Wednesday, June 10, 2009

LP 61: Pangarap Ko

Pangarap ko ( i hope, i dream, i want)? Ang dami kong pangarap sa buhay, para sa sarili ko, sa pamilya ko, at sa mundo. Kaso hindi lahat ng pinapangarap ko eh natutupad gaya ng pagliliwaliw sa ibang bansa (naks!), at hindi rin lahat ay may kuha akong larawan gaya na lamang ng pinapangarap kong honeymoon destination. Ang mahal ano? Di bale, libre naman ang mangarap eh.

Sa kabilang banda, ito ang aking lahok:
ito ang simbahan ng Caleruega sa Nasugbu, Batangas. Kuha ito noong Hulyo 25, 2007. Pangarap kong ikasal dito, ang ganda kasi ng simbahan, tamang-tama sa maliit at intimate na kasalan. Maganda rin ang kapaligiran, ok sa pictorial. Kaso, ang mahal ng fee, nun 2007 nasa 15000 na siya. Dati-rati, talagang ipinagpipilitan ko na dito lang ako ikakasal o di bale na lang, kaya dapat pag-ipunan. Ewan ko ba, sa Pilipinas lang ata negosyo ang kasal :-)Pero ngayon, kahit saang simbahan na ako ikasal, basta lang ikasal ako sa H ko.


Ito pa ang isa kong pangarap. Mahilig ako sa photography, mapa-ako ang kumukuha ng larawan o ako ang kinukuhanan, basta picture taking, mahilig ako. Kaya naman pangarap ko simula nun bata ako na maging isang magaling na photographer at magkaroon ng "photographer's camera". Yan ang tawag ko sa manual SLR na ngayon ay DSLR na, basta yun kamera na may iba't ibang lens na inaadjust-adjust pa bago mo i-click. Kaso, hanggang ngayon, pangarap pa rin siya. Kuntento na ako sa ngayon sa aking "point & shoot camera" kasi hindi hassle bitbitin. Ito pala ang gamit nun professional photographer nun minsang may photoshoot kami ng aming mga produkto.

Ating alamin ang mga pangarap ng ibang ka-LP!

Magandang araw ng huwebes!

Wednesday, June 3, 2009

LP 60: Misyon

Nahirapan akong mag-isip kung ano ang aking ilalahok para sa temang "Misyon". Ang hirap atang makuha sa isang larawan lamang ang "misyon" na dapat gampanan at mapagtagumpayan. Buti na lang, naalala ko na may ginawa akong munting misyon para sa aking future MIL.


Kuha ito noong nakaraang Marso. May munting salo-salo sa embahada para sa "Linggo ng Pagkabuhay" kaya naatasan si future MIL na gumawa ng programa at mga palaro. Isa sa palaro ang maala-pin the tail of the donkey, ang kaibahan lang ay ang premyo ay wala lang sa buntot kundi sa mga iba't ibang parte ng donkey.


Iginuhit ko ang donkey sa isang manila paper at natapos ko naman na halos eksatong-eksato sa larawan. Kung bakit nasa sahig ako imbes na nasa mesa ay dahil mas kumportable akong gumuhit sa sahig kung malalakihang drawing :-)

Mission accomplished.

Silipin natin ang iba pang misyon sa buhay

Saturday, May 30, 2009

LP 59: Alam Mo Ba?


Ito ang tradisyonal/ pambansang kasuotan ng kababaihan dito sa Bangladesh. Ang tawag dito ay saree/sari. Noong unang salta ko dito, ang akala ko ito ay para sa mga kababaihang Muslim lamang, hindi pala, ito ay para sa pangkalahatan.

This is the traditional dress for the ladies here in Bangladesh. It is called saree/sari. When I arrived hee for the first time, I thought this is for Muslim ladies only, but I was mistaken, it's for every ladies.

Ang saree/sari ay may habang 6 na yarda ng tela. Ito ay karaniwang makukulay na may iba't-ibang disenyo mula sa pinakasimpleng tela lamang hanggang sa may mga burda at beads. Ang saree ay gawa rin sa iba't-ibang tela na sinusuot ayon sa okasyon, may gawa sa cotton na maaaring gamitin sa pang-araw-araw, may gorgette, seda, o lace fabric din para sa mga okasyon. Ito ay binabagayan ng blusa na karaniwang gawa mismo sa tela ng saree o maaaring kakulay o katugma lamang ng saree.

The saree is made of 6 yards of fabric. It is usually colorful with different designs from the most basic plain fabric to the most intricate designs with embroidery and beads. It is also made of different fabric which is use according to occassion. There is a cotton saree where you can wear for ordinary days, gorgette, silk or lace fabric for special occassion. It is match up with a top blouse that is either made from the same saree fabric or a different fabric that matches the color of the saree.

Nasubukan ko ng magsuot nito para sa isang kasalan. At sa totoo lang, mahirap itong suotin ng mag-isa ka lamang. Kailangan ko pang pumunta sa parlor para isuot ang saree sa akin. Ang saree ay iniikot sa baywang ng maraming beses at saka iniipit sa paldang panloob gamit ang malalaking perdible. At ang palaypay ay isinasabit sa balikat, maaaring nakatupi o nakalaylay lamang. Ang pagkakatupi ng saree ay isang sining na nagbibigay ganda lalo sa kasuotang ito.

I've already experienced wearing a saree to a wedding. I find it hard to wear it alone, you need an extra hand to help you wrap the saree around your body. I have to go to the parlor so that they can put the saree on me. The fabric is wrap around your waist several times and then fixed with big big safety pins. And the extra fabric is placed on the shoulder either folded or loose. The folds of the saree is an art itself and it gives beauty to the whole get up.

Narito ang iba pang kaalaman.

Thursday, May 21, 2009

LP 58: Lahat ay Payak


Payak ay kasingkahulugan ng simple. Kay ganda siguro ng buhay kung lahat ay simple lang. Maging ang kaligayahan ay simple lang. Ito ang aking bagong laruan, simple lamang siya ngunit may kahulugan ang mga pato na tanging kami lamang ng aking H ang nakakaalam. Tuwing nakakakita kami ng mga larawan, laruan, imahe ng pato o pato mismo, kami ay natatawa sa alaala ng isang araw sa aming buhay. Simpleng laruan lamang ang mga ito ngunit nakakapagbigay ng ngiti sa aming dalawa :-)

Ating dalawin ang iba pang kasimplehan.

Wednesday, May 13, 2009

Litratong Pinoy

Gaya ng dati, huli na naman ako sa pagsumite ng mga larawan. Paumanhin po dahil ako po ay umuwi ng Pilipinas noong Abril 28 para sa aking taunang bakasyon, sayang nga at hindi naitaon sa EBaliwan. Kaya sa huwebes na ito, tatlo po ang aking lahok, para sa temang 1)Tulay, 2)Simula Pa Lamang at 3)Nang Matapos. Kaya heto na:

LP 55: Tulay
Maraming tulay dito sa Dhaka dahil napapalibutan ito ng ilog at mga estiro. Subalit ito ay mga luma na at simple lang ang istraktura. Karamihan ay gawa sa "bricks" at bakal. Nitong nakaraang Nobyembre 2008 ay binuksan ang isa sa pinakabagong tulay at sa aking pananaw ito ang pinakamagandang tulay dito sa Dhaka.


Pati sa mga lokal ay patok na patok din ito dahil madalas may mga nagkukuhanan ng litrato dito at ginagawa na ring tipanan sa umaga man o sa gabi. Sa gabi nga ay may nagbebenta pa ng tsaa at mani.
Hindi ko alam ang pangalan nito, basta gandang-ganda ako dito lalo na sa gabi. Ito na ang bagong rota ko sa pagpasok sa opisina at pauwi sa bahay dahil mas malapit at mas mabilis ang byahe ko kung ito ang rota ko. Iwas trapiko sa pangunahing daan.

LP 56: Simula Pa Lamang
Tapos na ang aking sampung araw na bakasyon sa Maynila kaya simula na naman ng pag-eempake ng mga pasalubong at mga pangunahing pangangailangan na wala sa aking patutunguhan.
Opo, mga pagkain at "toiletries" ang karaniwan at karamihan sa baon ko pabalik sa ibang bansa. :-)

Ito naman ay ang larawan ng aming "Kid's Section" bago umpisahan ang konstruksyon ng aming "Forest Setting".
Simula pa lamang ito ng isang magandang pagbabago ng aming malaking showroom.

LP 57: Nang Matapos

At nang matapos ang isa'T kalahating buwan ng konstruksyon sa "kid's Section", eto na siya...


ito ay opisyal na bubuksan sa akinse ng Mayo. Ang ganda di ba? May sound effects pa yan ng mga huni ng mga ibon at palaka at agos ng tubig mula sa munting talon patungo sa ilog.

Happy LP sa inyong lahat!

Thursday, April 23, 2009

LP 54: Gusali


Dito sa Dhaka, nagtataas din ang mga gusali. Karamihan sa mga gusali ay mga apartment. Gaya nito:
Halos bawat kalye at kanto ay may itinatayong gusali, pang-komersyo o pang-residential. Hindi man sila kasingganda ng mga gusali sa ibang bansa, may mga natatanging disenyo rin. Gaya nito:
Sa aking pagkakaalam, ito ay isang pribadong tirahan. Tuwing nadadaan ako dito, ay gustong-gusto ko siyang pasukin at makita ang kabuoang itsura sa loob at labas ng bahay.

Eto pa ang isang kakaibang disenyo. Pansin mo ba ang halos mukhang bangka na pulang gusali? Ito ay isang pribadong tirahan din na nasa tabing ilog, kaya naisipan ng may-ari na gawing hugis bangka ang kanyang bahay. Kaaliw di ba?

Ngunit ang nakakamangha at nakakaawa ay ang mga kababaihan na nagtratrabaho rin sa mga konstruksyon dito. Nagbubuhat ng mga "bricks" paakyat sa konstruksyon. Ganun kahirap ang buhay ng mga ordinaryong mamamayan ng dhaka.

Ating bisitahin ang ibang kalahok

Happy Thursday!

Sunday, April 5, 2009

LP 52:Paboritong Litrato



Madami akong paboritong litrato, karamihan nito ay mga larawan ng tanawin lalo na ang paglubog ng araw o ang pagsikat ng araw. Ito ang isa sa pinakapaborito kong litrato. Kuha ito sa Bohol noong nakaraang taon.

Hulaan mo nga kung ito ay bukangliwayway o takipsilim? Narito pa ang ibang kalahok.